Saudi Sexpat Stories: Tales from the Kingdom

Entries categorized as ‘Mga LP’

LP #14: Tatak Pinoy

3-July-2008 · 40 Comments

Di man ako taga-hanga ng larong boksing dahil masyadong “brutal” ang dating nito sa akin, di ko mapigilan ang aking paghanga sa nag-iisang “Pambansang Kamao” na si Manny Pacquiao.  Pinatunayan niya na kaya ng mga Pilipino makipagsabayan at manaig sa mga pambato mula sa iba’t ibang bansa.  Siya ngayon ang tinaguriang ”greatest pound for pound fighter of all time” dahil sa pagkakapanalo niya sa apat na iba’t ibang dibisyon ng boksing.  Ipinakita niya na kailangan lamang ang sipag, disiplina, determinasyon at ang malalim na pananalig sa lumikha para makamit ang mga pangarap at minimithi sa buhay.   

Marahil, ang naisulat ni Recah Trinidad sa Philippine Daily Inquirer kamakailan kung paano tinulungan ni Pacquiao ang kanyang katunggali matapos niya itong mapatumba - sa halip na pabayaan lamang ito at agad na yakapin ang kanyang matamis na tagumpay - ay isa na sa pinakamagandang deskripsyon kung ano ang sinasagisag ng isang Manny Pacquiao sa ating mga Pilipino:

“…Pacquiao may have not realized it but, after making his countrymen very proud with his conquest of a fourth world crown, he next handed the Pinoy a rare gift. The native nobility Pacquiao displayed in that moment of moments helped immeasurably in telling the world that the Filipino, cheated, cursed, corrupted, is brave, strong, and, last but not the least, worthy of applause and respect.

Thank God for the greatest Filipino fighter ever.”

Mabuhay ka, Pacman! Saludo kami sa iyo - tunay na ipinamalas mo ang “Tatak Pinoy” sa buong mundo!

 

Categories: Bring out the bubbly! · Inspirational · Mga LP · Pinoys Meet World

LP #13: Pag-Aaral

26-June-2008 · 20 Comments

 

Ito ay ang mga libro ng aking ina.  Ginagamit niya ang mga ito araw-araw sa kanyang pagdarasal at pag-aaral ng “Mabuting Balita”.

Patunay lamang na di kailangang tumigil ang pag-aaral sa pagtatapos mula sa paaralan at di lamang ito para sa mga kabataan.  Kahit sino, sa anumang edad, antas ng karunungan o estado sa buhay, ay maaari pa ring mag-aral.  Kailangan lamang ay bukas na pag-iisip at ang pagnanais na matuto. 

Categories: Mga LP

LP #12: Itay

19-June-2008 · 22 Comments

 Mga haligi ng tahanan sila’y naturingan

Iba’t iba man ang pamamaraan -

Tahimik na sumusuporta o pag-gabay tunay na nararamdaman

Samu’t sari man kanilang mga katangian…

Seryoso paminsan ngunit may tinatago rin palang kalokohan!

Sa kanila’y lubos na gumagalang

 at mula sa kanila, lakas ay nakakamtan

Kaya sa iyo, Papa, Daddy, Pappy o Itay

Ang aming taos-pusong pasasalamat at pagpupugay!

 

Ang “Daddy Badoy” ng aking ama

Salvador Jimenez Veguillas (11 Aug 1917 - 02 Apr 1974)

Ang “Pappy Gang” ng aking ina

Edgardo Crescini Hernandez (06 Oct 1921 - 16 Oct 1989)

Papa Jess”

Ang aking ”look-alike” at pinakamamahal na ama

“Papa Keith”

Ang aking mahal na asawa at dakilang ama ng aming tatlong supling :)

 

Categories: Mga LP · Mi Familia

LP #11: Kalayaan

11-June-2008 · 23 Comments

 

Kuha sa harap ng munisipyo ng Paranaque, Pilipinas, gamit ang aking “antique” na Sony DSC P43 na “point and shoot”

Opo, nandito na kami sa Inang Bayan para sa aming taunang bakasyon. :) Salamat sa lahat sa inyo na nagdasal para sa aming maluwalhating paglalakbay…

Sa aming muling pagbabalik, bagamat lubos ang aking kaligayahang makita muli ang mga kapamilya at kaibigang pansamantalang naiwan mula nang magpasya kaming mag-anak na mamalagi sa aming munting “kaharian sa disyerto”, di ko pa rin maiwasang makaramdam ng kaunting kalungkutan dahil sa nadatnang kalagayan ng ating bayan.

Kalayaan nga bang maituturing ang…

… pakikipagsapalaran ng maraming Pilipino sa iba’t ibang bayan maitaguyod lamang nang maayos ang sarili at pamilya sapagkat walang sapat na pagkakataong gawin ito sa loob ng Pilipinas?

…diumano’y paglakas ng ekonomiya at piso sa harap ng di maunawaang pagtaas din ng presyo ng mga bilihin at mga “basic necessities” upang mabuhay ng maayos at matiwasay? 

…matinding kahirapan ng nakararami na nagtutulak tungo sa isang buhay ng krimen at karahasan?

Ilan lamang ang mga ito sa mga katanungang sumagi sa aking isipan.  Marahil, ako man ay dapat ding maging “mas malaya” sa aking pag-iisip upang mapansin din ang mga mas positibong kaganapan na nangyayari sa ating bayan - tulad na lamang ng matinding pagkamatatag at pananampalataya sa Diyos ng marami sa atin sa harap ng matinding pagsubok na hinaharap.

Kagaya ng malamlam na kuha ko ng watawat sa itaas na tila sumasalamin sa katayuan ng ating bansa, nawa’y matamo na ng ating bansa ang tunay at nagniningning na kalayaan upang ang bawat isa sa atin ay taas-noo ding masabi - “Pilipinas kong mahal!”.

 

Categories: Mga LP

LP #10: Pag-Iisang Dibdib

5-June-2008 · 32 Comments

Mga pangakong hinayag sa harap ng dambana

Kalakip ang basbas mula sa itaas

Dalawang nilalang pinagbuklod sa isa

Magkatuwang harapin, hirap man o ginhawa

Mga pangakong hinayag sa harap ng dambana

Pinakadalisay na sagisag ng pagiging isa.

Kuha ito ng aming mga “personalized marriage vows”. Mabuti na lamang at nahagilap ko ang kopya ng aming “Wedding Liturgy” sa baul! :lol: Sa awa ng Diyos, nagagampanan pa rin naman naming mag-asawa ang mga pangakong binitawan ilang taon na rin ang nakararaan. :cool:

Sa aking mga kaibigang litratista, ipagpaumanhin sana ninyo kung hindi ako masyadong makadalaw sa mga lahok ninyo sa loob ng dalawang buwan at kalahati dahil hindi ko masigurado kung gaano kadali akong makakahagilap ng kompyuter habang nagbabakasyon.   Habang binabasa ninyo ito, tiyak na nasa himpapawid na ako kasama ang mga supling patungong “inang bayan”. Hinihingi ko ang inyong mga dasal para sa isang maluwalhating paglalakbay at masayang pagdating sa Pilipinas.  Maraming salamat!

 

 

Categories: Mga LP · Mi Familia

LP #9: Ihip ng Hangin

28-May-2008 · 39 Comments

 

Sa ihip ng hangin matutong makibagay

Tulad ng pagsaliw sa awit ng buhay

Bawat unos ay may aral na hatid

Hagupit ng bagyo may nais ipabatid

Kapag hangi’y humupa at lahat ay nanahimik

Doon matatanto ang nasa puso’t isip

Sa pagsubok ba’y nalugmok at sumuko?

O tulad ng mga puno

Nanatiling matatag, nakatayo at buo?

Ito’y kuha sa Pangulasian Beach, El Nido, Palawan, Pilipinas, noong Disyembre 2007.  Ang Pangulasian ay isa sa mga isla sa Coron na dinalaw namin ng kami’y mag-”island hopping” mula sa Miniloc Resort, kung saan ipinagdiwang namin ng aking kabiyak ang sampung taong anibersaryo bilang mag-asawa.

 

Categories: Inspirational · Mga LP

LP #8: Tubig

22-May-2008 · 12 Comments

Marahil, ang pinakahuling bagay na maiisip nating makita sa disyerto ay tubig, hindi ba? Kapag nabanggit ang disyerto, dali-daling sumasagi sa isip ng marami sa atin ay matinding init at walang katapusang buhangin. 

Ganito rin ang akala ko noon bago kami pansamantalang namalagi dito sa Gitnang Silangan halos dalawang taon na rin ang nakalilipas. 

Di ko sukat akalain na sa disyertong aming ginagalawan, sagana din pala ang tubig!

Ayaw ninyong maniwala?  Tignan ninyo ang mga ito… 

Mistulang “oasis“, di ba?  Patunay lamang na maraming akala ay naghihintay lamang na pabulaanan kapag dumating ang takdang panahon. :)

Kuha ang mga ito sa isang “water park” sa kapitbahay na kaharian ng Bahrain, ang “Lost Paradise of Dilmun”.  Gaya ng nabanggit ko sa naunang katha ko (SSS #100: Wet and Wonderful!), isang napakagandang sorpresa ito para sa amin, lalung-lalo na para sa aming mga anak.

Categories: Mga LP

LP #7: Umaapoy

15-May-2008 · 38 Comments

Umaapoy ang kalangitan

Sa mga huling sinag ng Haring Araw

Bago siya magbigay-daan sa kadiliman ng gabi

Animo’y sinasabi

Kalungkutan at kadiliman pansamantala lamang

at tiyak na papawiin ng kasiyahan at kaliwanagan

ng isang bagong umaga.

Ito’y kuha sa Aramco Beach, Al Khobar, Saudi Arabia, noong Nobyembre 2007, kung saan naanyayahan kaming mag-anak at ilang kaibigan na dumalo sa isang munting salu-salo para sa nalalapit na kapaskuhan. 

Categories: Mga LP

LP #6: Mahal na Ina

8-May-2008 · 39 Comments

 ”Malilimutan ba ng ina

ang anak na galing sa kanya?

Sanggol sa kanyang sinapupunan

Paano niya matatalikdan?

Ngunit kahit na malimutan

ng ina ang anak niyang tangan

Hindi kita malilimutan

Kailan ma’y di pababayaan.”

Habang nagbibigay-pugay tayo ngayon sa ating mga mahal na ina, sumagi sa aking isipan ang mga kataga sa itaas mula sa isang tanyag na awit sa Pilipino at hango sa Mahal na Aklat.  Bilang isang ina na lubusang nagmamahal sa aking mga anak, di ko maubos maisip na higit pang mas malalim at dalisay ang pagmamahal ng ating lumikha sa atin kaysa sa ano pa mang pag-ibig na kaya kong ialay sa aking mga supling - isang bagay na tunay na kamangha-mangha pero totoo!

Ang kaalamang ito ang nagbibigay lakas at pag-asa sa akin.  Bagamat taos-puso at abot-langit ang aking pagmamahal at pasasalamat sa aking ina, higit akong nagpapasalamat sa isang mapagmahal na diyos at lumikha na hindi nakakalimot at hindi ako kailanman pababayaan.

Ang litrato sa itaas ay kinunan ko gamit ang aking Nokia N70 mula sa kaisa-isang “painting” na nabili naming mag-asawa ilang taon na rin ang nakalilipas noong kami ay nakatira pa sa Maynila.  Ito ay likha ni Ginoong Jun Alfon at nabibilang sa kanyang “Tiboli mother and child series”.

Categories: Mga LP · Mommy Matters

LP #5: Malungkot

1-May-2008 · 39 Comments

(May paunang paumanhin sa kapatid kong si Pippo… ;) )

Hulaan ninyo kung bakit malungkot ang kapatid ko sa larawang ito.

A. Hindi dumating ang regalo niya mula kay Santa

B. Medyo masakit ang tiyan niya dahil naparami ang kain niya sa kapaskuhan

K. Bigla niyang naalala nang iniwan siya ng “school bus” noong Grade 1 siya

D. Wala sa mga pinagpipilian sa itaas. Gumawa ng sariling kuro-kuro.

Kung ang sagot niyo ay titik “D” - hindi kayo nagkamali! :lol:

Ang litratong ito ay kuha ko sa “lobby” ng Westown Hotel sa Iloilo nang magbakasyon kaming mag-anak doon noong nakaraang Disyembre. 

Sa totoo lang, masaya talaga si Pippo dito.  Napaluha lang siya sa sobrang kaligayahan kaya nagmukha siyang malungkot - hahaha! :razz:

Sige na nga, pinilit kasi namin siyang mag-”emote” na “pang-Famas” upang i-”project” sa kamera ang di mapigilang kaligayahan (”touched”, kumbaga - hahaha!) sa pagkakalipat namin sa hotel na ito mula sa orihinal na “hotel from hell” kung saan kami inilagay ng aming travel agent.  Mula kasi sa kalunos-lunos na kalagayan namin sa naunang hotel - naroon na ang madilim at amoy amag na “corridors” papuntang kuwarto at ang “view” ng mga sinampay ng mga kalapit bahay na bubungad mula sa bintana - talagang abot-langit ang pasasalamat at tuwa naming makalipat sa mas bago at magandang hotel tulad ng Westown!

Ano kamo ang orihinal na hotel namin? Itago na lang natin siya sa pangalang “SM”…at ang kontrobersyal na tagline niya? “The Premier First Class Hotel in Iloilo”. Ano daw??? Yan ang talagang malungkot! ;)

 

 

Categories: Laugh Trip · Mga LP · Mi Familia