Mga pangakong hinayag sa harap ng dambana

Kalakip ang basbas mula sa itaas

Dalawang nilalang pinagbuklod sa isa

Magkatuwang harapin, hirap man o ginhawa

Mga pangakong hinayag sa harap ng dambana

Pinakadalisay na sagisag ng pagiging isa.

Kuha ito ng aming mga “personalized marriage vows”. Mabuti na lamang at nahagilap ko ang kopya ng aming “Wedding Liturgy” sa baul! :lol: Sa awa ng Diyos, nagagampanan pa rin naman naming mag-asawa ang mga pangakong binitawan ilang taon na rin ang nakararaan. :cool:

Sa aking mga kaibigang litratista, ipagpaumanhin sana ninyo kung hindi ako masyadong makadalaw sa mga lahok ninyo sa loob ng dalawang buwan at kalahati dahil hindi ko masigurado kung gaano kadali akong makakahagilap ng kompyuter habang nagbabakasyon.   Habang binabasa ninyo ito, tiyak na nasa himpapawid na ako kasama ang mga supling patungong “inang bayan”. Hinihingi ko ang inyong mga dasal para sa isang maluwalhating paglalakbay at masayang pagdating sa Pilipinas.  Maraming salamat!