
”Malilimutan ba ng ina
ang anak na galing sa kanya?
Sanggol sa kanyang sinapupunan
Paano niya matatalikdan?
Ngunit kahit na malimutan
ng ina ang anak niyang tangan
Hindi kita malilimutan
Kailan ma’y di pababayaan.”
Habang nagbibigay-pugay tayo ngayon sa ating mga mahal na ina, sumagi sa aking isipan ang mga kataga sa itaas mula sa isang tanyag na awit sa Pilipino at hango sa Mahal na Aklat. Bilang isang ina na lubusang nagmamahal sa aking mga anak, di ko maubos maisip na higit pang mas malalim at dalisay ang pagmamahal ng ating lumikha sa atin kaysa sa ano pa mang pag-ibig na kaya kong ialay sa aking mga supling - isang bagay na tunay na kamangha-mangha pero totoo!
Ang kaalamang ito ang nagbibigay lakas at pag-asa sa akin. Bagamat taos-puso at abot-langit ang aking pagmamahal at pasasalamat sa aking ina, higit akong nagpapasalamat sa isang mapagmahal na diyos at lumikha na hindi nakakalimot at hindi ako kailanman pababayaan.
Ang litrato sa itaas ay kinunan ko gamit ang aking Nokia N70 mula sa kaisa-isang “painting” na nabili naming mag-asawa ilang taon na rin ang nakalilipas noong kami ay nakatira pa sa Maynila. Ito ay likha ni Ginoong Jun Alfon at nabibilang sa kanyang “Tiboli mother and child series”.












